Ang paggamit ng iisang wika ay nakakatulong sa pambansang
kaunlaran. Ang kaunlarang ito ay maaaring sa iba't-ibang aseto tulad ng
ekonomiya o teknolohiya.
Ang tula sa ibaba ay nagpapakita ng kaugnayan sa wika at kaunlarang
pangteknolohiya.
Ang Teknolohiya at ang Wika
ni: Avon Adarna
Pinagkaitan nga ng mga patinig,
Mga pangungusap – kulang sa katinig,
At kung babasahin sa tunay na tinig,
Ay mababanaag ang kulang na titik!
Sa sulating pormal at mga sanaysay,
Ano’ng pakinabang kung putol at sablay,
Kulang na ang letra’y mali pa ang baybay,
Ang akala yata’y lubhang mahinusay.
Sa paglalahad ng totoong damdamin,
Hindi ba nagkulang sa ibig sabihin?
Sa pagsusulit ba at mga eksamin,
Makapasa kaya kung letra’y kulangin?
Mundong makabago at teknolohiya,
Anong naidulot sa ating pag-asa?
Kabataang dugong mag-aahon sana,
Tila katunggali ng sariling wika.