SEKSYON 1. Ang Pilipinas ay isang Estadong republikano at demokratiko. Ang ganap na kapangyarihan ay angkin ng sambayanan at nagmumula sa kanila ang lahat ng mga awtoridad na pampamahalaan.
SEKSYON 2. Itinatakwil ng Pilipinas ang digmaan bilang kasangkapan ng patakarang pambansa, tinatanggap bilang bahagi ng batas ng bansa ang mga simulain ng batas internasyonal nakinikilala ng lahat at umaayon sa patakaran ng kapayapaan, pagkakapantay-pantay, katarungan, kalayaan, pakikipagtulungan, at pakikipagkaibigan sa lahat ng mga bansa.
SEKSYON 3. Ang awtoridad na sibilyan ay sumasaibabaw ng sa militar sa lahat ng panahon. Ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay tagapangalaga ng Sambayanan at ng Estado. Ang layunin nito ay seguruhin ang ganap na kapangyarihan ng Estado at ang integridad ng pambansang teritoryo.