Yaman ay di lahat sa buhay ng tao,
Mayroon pang ibang mahigit pa rito,
Malinis na budhi, damdaming totoo
Sa iyong sarili at mga kapwa tao mo.
Pera’y kailangan sa mundong ibabaw
Lalong suliranin kung ito’y mawalay
Laging isaisip, tao’y nabubuhay
Di lamang sa pilak, di lang sa tinapay.
Taong makalimot sa mabuting asal
Walang dinidinig kahit anong aral,
Kagustuhan niya na mamaibabaw
Kahit na baluktot ay pinaiiral.
Kahit na mahirap ang isang nilalang
Sa yaman ay salat, sa ligaya’y kulang
Mabuting ugali, dila’y di maanghang
Daig ang makuwartang buwaya sa parang.
Ang tao sa mundo, minsan lang mabuhay
Bakit di iukol sa mabuting bagay,
Kay Kristo sa Kanyang pagkakabayubay
Gawaing dakila ay maiaalay.
Gawain 1: Paglinang sa Talasalitaan
Panuto: Ibigay ang tinutukoy na salita o parirala sa bawat bilang sa tulong ng mga pahiwatig
na titik sa bawat kahon. Isulat ang sagot sa iyong kwaderno.
m_but_ng k_l_ _ b_n 1. malinis na budhi
s _ k _ m 2. makuwartang buwaya sa parang
di n_ka_as_k _ t 3. dila’y di maanghang
l_ika_ na s_loo_i_ 4. damdaming totoo
p_gh_hi_ap 5. sa kanyang pagkakabayubay
Gawain 2: Pagtalakay sa akda
A. Sagutin ang mga sumusunod:
1. Ano ang tunay na kayaman ayon sa binasang tula? Ibigay ang sariling kuro-
kuro tungkol sa kaisipang inilahad dito.
2. Sang-ayon ka ba sa may-akda na ang tao’y nabubuhay di lamang sa tinapay?
Pangatuwiranan.
3. Sino-sino sa ating lipunan ang may dilang maanghang at makwartang buwaya
sa parang? Ano ang masasabi mo sa mga taong ito?
4. “Kay Kristo sa Kanyang pagkakabayubay, gawaing dakila ay maiaalay”. Anong
dakilang gawain ang tinutukoy rito?
5. Ano-anong kaisipan ang mahahango sa binasang akda?