Sa bayan ng Tatapan, may isang magandang dalaga na ang pangalan ay
Pulang. Siya ay nag-iisang anak ni Datu Semagansang, ang hari ng Tatapan.
Maraming nagkakagusto kay Pulang dahil sa kanyang angking kagandahan,
kabaitan at ang hindi nito mapagmataas. Siya rin ay tinatawag ng mga taga-
Tatapan bilang Bidadari, ang tawag sa dalagita ng paraiso. Ang lahat ng ninanais
ni Pulang ay ibinibigay sa kanya ng kanyang amang hari.
Isang araw, dumating ang hari ng Midtimbang na si Datu Semakwil. Siya ay
may anak na binata na nagngangalang Sumawang. Sumama si Sumawang sa
kanyang amang hari.
“Naparito kami Datu Semagansang dahil nais asawahin ng aking anak ang
iyong anak na si Pulang, gaya ng napag-usapan natin” ang hayag ng dumating na
hari.
Ang ipinahayag ni Datu Semagansang ay narinig ni Pulang. Nagulat siya sa
kanyang narinig. Hindi nito alam kung ano ang kanyang gagawin. Wala pa siyang
balak magpakasal at wala siyang nararamdaman para sa anak ng hari na si
Sumawang kahit matagal na niya itong naririnig. Hindi alam ni Pulang na
ipakakasal siya kay Sumawang nang sa ganoon ay lumawak ang kanilang
kahariang pinamumunuan.
“Ngayon Pulang ay ipapaasawa kita kay Sumawang, parehas lang naman at
mag-aasawa ka rin, kaya siya na ang ipapaasawa ko sa’yo” ang wika ng amang
hari ni Pulang.
“Ngunit ayaw ko pa mahal na amang hari. Wala rin po akong nararamdaman
na pagmamahal sa kanya” naiiyak na sagot ni Pulang.
“Ito lang ang kahilingan ko sa’yo anak. Lahat ng gusto mo ay ibibigay ko
sa’yo kahit ito lamang ang maisusukli mo sa akin” malakas na sabi ng hari.
“Ngunit ama…” ang sumbat ni Pulang na agad namang sinagot ng kanyang
amang hari.
“Nakapag-usap na kami ni Datu Semakwil. Sa ayaw at sa gusto mo, sa
susunod na linggo ay ikakasal na kayo ni Sumawang” ang iniwang pahayag ng
kanyang amang hari.Simula nang marinig ni Pulang na ikakasal siya ay hindi na siya nakikitaan
ng pagiging masaya. Hindi na rin ito ngumingiti. Sa sobrang lungkot ay pumunta
siya sa bundok na kalapit lamang ng kanilang kaharian. Natatanaw niya ang
kabilang bundok na pinamumunuan ng ama ng kaniyang mapapangasawa.
Umupo siya sa malaking bato. Hindi niya namamalayan ay napaluha na lamang
siya. Iniyak niya ang lungkot na kaniyang nadarama. Umiyak siya nang umiyak.
Sa kanyang pag-iyak ay pumapatak ang kaniyang mga luha sa pagitan ng
dalawang bundok.
Dahil sa labis na pag-alala ng hari, ilang linggo nang hinahanap ng buong
bayan si Pulang mula ng siya’y mawala. May nakapagkuwento kung saan
namamalagi si Pulang ngunit hindi na siya muling nakita pa mula nang siya ay
umalis. Agad pinuntahan ng hari ang kinaroroonan ni Pulang ngunit wala na
silang nadatnan.
“Pulang! Pulang! Anak ko…” ang paulit-ulit na sigaw ng hari.
Umuwi ang hari na hindi niya kasama ang kanyang anak. Labis-labis ang
kanyang pagsisisi at pagdadalamhati. Di nagtagal ay iniwan ng hari ang kanyang
bayan at hindi na muling nagpakita pa.
Sa pagkawala ni Pulang ay may isang bukal ng tubig na lumitaw sa pagitan
ng dalawang bundok kung saan huling nakita si Pulang at kalauna’y naging ilog.
Ito ang mga luha ni Pulang na natipon sa kanyang pag-iyak. Tinawag ng mga
Maguindanaoan ang ilog na Pulangi.
Magpahanggang ngayon ang ilog ng Maguindanao ay nakatutulong sa pang-
araw-araw na pamumuhay ng mga Maguindanaoan tulad ng pangingisda at pagsasaka.