TEKSTO:
Ang Renaissance ay yugto sa kasaysayan ng mundo na partikular na
naganap sa Europa. Ang panahong ito ay nagsimula ng ika-14 na siglo at
nagwakas ng ika-17 siglo. Ito ang yugto o peryodo sa pagitan ng Gitnang Panahon
( Middle Ages) at Modernong Panahon. Ang Renaissance ay kilusang
intelektuwal at kultural na naglalayong itaguyod ang muling pag-aaral ng kultura at
panitikan ng sibilisasyong Romano at Griego.Ang pagnanasang ito ay nagmula sa
matagal na pagkalimot sa mga pamana ng sinaunang Romano,matapos ang
pagbagsak ng kanlurang bahagi ng Imperyong Romano. Ito ay nag-ugat sa
pagsakop ng mga barbarong Aleman sa siyudad ng Roma noong Setyembre 4, 476
A.D. sa pamumuno ni Odoacer. Pinatalsik ni Odoacer ang batang emperador na si
Romulus Augustulus na tuluyang nagpabagsak sa kanlurang bahagi ng emperyo.
Ang pagbagsak ng Roma ay naging daan sa pagkakalugmok ng kanlurang bahagi
ng Europa at pagpasok ng kaguluhan,kalituhan, at pandemya, ang pangyayaring ito
ay tinatawag na “Panahon ng Karimlan”(Dark Age) o sa ibang katawagan ay
tinatawag na Gitnang Panahon (Middle Age).
Sa pagdaan ng panahon ay unti-unting umunlad ang ilang bahagi ng
Europa matapos ang matagal na pagkakalugmok dulot ng pananakop ng ibat-ibang
barbarong Aleman.Sa kalaunan, isa ang bansang Italya sa higit na nabiyayaan ng
pag-unlad nito. Matapos ang paglakas ng Turkong Ottoman na nagpabagsak sa
Imperyong Byzantine.Isinara ng mga turko ang rutang pangkalakalan sa mga
Europeo na nasa kanluran at dahil dito ay nagkaroon ng kasalatan sa mga
produktong mula sa silangan ang pamilihan sa ibat-ibang dako ng Europa. Ngunit
ang mga Italyano ay nabigyan ng pagkakataon na makontrol ang kalakalan ng mga
produktong porselana,seda at pampalasa(spices) na mula sa Asya dahil sila lamang
ang binigyan ng pahintulot ng mga Turkong Muslim na dumaan sa rutang
kinokontrol ng mga ito.At dahil dito ay unti-unting umunlad ang mamamayan nito at
naging daan sa pag-usbong ng mga mararangyang lungsod gaya ng Florence.Ang
kalakalang ito ay naging daan sa pagsilang ng mga mayayamang pamilya gaya ng
Medici’s na ang labis na salapi ay nagamit sa pagsuporta sa mga makata,pintor at
manunulat.
Ang kalagayang ito ay nagbigay daan sa muling pagsilang ng interes sa nakaraang
pamana at kaalaman sa kabihasnang Griego at Romano. Ang pagsibol ng yugto ng
Renaissance ay nagbigay ng pagkakataon sa mga kilusang intelekwal na tinatawag
na Humanista. Ang kilusang Humanista ay nakatuon sa pagbibigay tuon sa pag-
aaral ng klasikal na sibilisasyong Griego at Romano na sinasabing kailangang
matutuhan upang magkaroon ng isang moral at epektibong pamumuhay.Ang
Kilusang Humanista ay kumikilala sa paniniwalang ang tao ang sentro ng
sangsinukob at dumadakila sa kapabilidad ng tao na paunlarin ang kanyang buhay.
Ang pagkontrol ng mga Italyano sa kalakalan sa mga produktong pampalasa at
iba pang marangyang produkto gaya ng seda at porselana, ang naging hudyat sa
pagsulpot ng mga mayayamang pamilya na nagsilbing patron ng sining gaya ni
Lorenzo de Medici na naging patron o tagasuporta ng mga manlilikhang gaya nina
Boticelli at Michaelangelo. Naging susi din ang pagkakaimbento ni Johannes
Guttenburg ng printing press na nagdulot ng pagkakaimprenta ng higit na
maraming aklat na nagbigay pagkakataon sa maraming tao na makapagbasa ng
mga literatura at mga bagong karunungan. Ang kaisipang Renaissance ay unang
kumalat sa mga lungsod-estado ng Italya gaya ng Venice, Milan, Bologna, Ferrara,
at Roma.Sa panahon ng ika-15 siglo ang kaisipang Renaisance ay lumaganap mula
sa Italya patungong France at sumunod ang Kanlurang Europa at Hilagang
Europa. Ang mga likhang obra nila Petrarch at Giovanni Boccaccio na naisulat sa
sariling bernakular o sariling lenguwahe ay nakatulong sa paglaganap ng kaisipang
Renaissance dahil nagkaroon ng pagkakataon ang mga ordinaryong tao na
makapagbasa at maipalaganap pa ang kaalaman sa nakalipas na klasikal na
karunungan.
Ang Renaissance ay malaki ang naging epekto sa kamalayan at pamumuhay
ng mga mamamayan nito, Ang yugtong ito ay naging transisyon ng kasaysayan ng
Europa mula sa Gitnang panahon patungo sa Makabagong Panahon. Ang mga
kaalamang natamo ng panahong ito ay hanggang sa kasalukuyan ay tinatamasa ng
mga mamamayan sa larangan ng agham,politika, at ekonomiya. Ang mga
imbensiyon, teorya, pilosopiya, at teknolohiya ay nakamit dahil sa pagnanasa ng
mga tao na uhaw sa karunungan.Ang kamalayang nalikha dito ay naging daan sa
paghina ng simbahan at pagkuwestiyon sa mga doktrina at aral na matagal na
niyakap ng mga tao sa nakalipas na panahon bago ang Renaissance.