Hindi maitatatag ang isang malayang bansa kung walang nasyonalismong tumitimo at nagpapakilos sa mga mamamayan nito. Bago dumating ang mga mananakop na Kastila, isang malaya at masaganang kapuluan ang Pilipinas. Sa ilalim ng pananakop ng mga dayuhan, naitanikala ang kalayaan at kasaganaang tinatamasa ng ating mga ninuno. Ngunit hindi hinayaan ng mga Pilipinong tunay na nagmamalasakit sa kapwa at sa bayan na magpatuloy ang pagkatanikalang ito ng ating kalayaan. Pinagsakripisyuhan ng ating mga kababayang umiibig sa Inang Bayan na ibangon ang ating lahi mula sa pagkakalugmok at pagkaalipin. Ang diwa at lakas ng nasyonalismo ang nagtulak sa kanila para gawin ang kabayanihang ito. Nasyonalismo ang puwersang nagtatag ng bansa nating mga Pilipino at nasyonalismo ang patuloy na magbibigkis sa atin sa iisang pambansang layunin at hangarin.