Magkaiba ang karanasan ng mga bansa sa Europe sa mga naranasan ng mga mamamayan sa Asya. Karamihan sa mga bansa sa Asya ay napasailalim sa kolonyalismo at imperyalismo kung kaya't ang nasyonalismo na nabuo sa Asya ay reaksyon o tugon laban sa kolonyalismo. Batay sa karanasan ng mga Asyano, ang nasyonalismo ay nagsimula bilang saloobin ng mga mamamayan na ang layunin ay makamit ang kalayaan mula sa kapangyarihan ng mga mananakop. Sa konteksto ng mga kanluraning mananakop, ang nasyonalismo ay ang masidhing damdamin na palakasin ang kanilang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagsakop at tumulong sa mga nangangailangan ng paggabay sa mga aspeto ng pulitikal,, ekonomiko, at kultural. Ngunit, ang nasyonalismong ito para sa sinakop na bansa ay imperyalismo.